Ipagpaumanhin mo kung sisimulan ko ito sa
pagsasabi ng "ayoko na sa'yo". Hindi yung tipo na
ayoko-na-sa'yo-bakit-hindi-ka-pa-mawala-na-parang-bula kundi
ayoko-na-sa'yo-dahil-masyado-nang-masakit-itong-aking-nadarama. Maintindihan mo
man o hindi kung ano nga ba ang dahilan ng aking paghuhurumintado, nais ko
lamang malaman mo na mahal kita ngunit nasasaktan na ako. Kung ipagpapatuloy ko
pa ‘to, maaaring bukas paggising mo, namayapa na ako.
Halika. Narito ang bawat letrang nagmula sa pusong nagmahal
na nga nang sobra, iniwan pa. Narito ang bawat salitang nais ipagsigawan nito.
Bawat pagkakataong nanatiling may nakapasak sa bibig ko. Lahat ng ito ay nais
kong malaman mo. Pagod na ako. Nais ko nang sumuko. Mahal kita ngunit masakit
na. Paano ako magpapatuloy sa aking pagsugal kung umpisa pa lamang ng laro…
alam kong ako ay talo na?
Hindi ko isinisisi sa'yo ang lahat. Sana
ibinigay mo sa'kin kung ano ang nararapat. Sana kahit isa man lang rason, kahit
gaano kasakit, tatanggapin ko para puso ko na'y huminahon. Isang rason kung
bakit bigla kang nagbago, kung bakit ang mga masasayang pagkakataon na kasama
ka, ngayon ay parang panaginip na gustuhin ko mang balikan, mananatili na
lamang alaala. Alaalang ngayo'y kulang kahit ni minsa'y hindi ako nagkulang.
Alaalang walang konkretong pagtatapos kaya ngayon sa'kin kalungkutan ay
yumayapos. Alaalang nais ko nang mabura nang kasiyahan ko'y muling humalina.
Napakalaking pagkakamali na isipin kong
sa buhay ko'y ika'y mananatili. Isang bagay na inakala kong matibay at
magtatagal, naging parang kahoy na inanay, naging marupok, naputol, at bigla na
lamang bumigay. Masaya naman tayo noon, hindi ba? O ako lang ba ng naging
masaya? Iyong mga ngiti mong hanggang ngayon ay bumabangungot pa rin sa akin, bangungot
na walang gabing hindi ako inalipin.
Lumayo ka ba dahil ayaw mong masaktan ako
o hindi ka na masaya sa buhay mong kasama ako? Nagkaroon nga ba ako ng halaga
sa'yo? Hanggang ngayon, hanggang ngayon pilit akong naghahanap ng kasagutan sa
mga tanong na kumakain sa aking isipan. Mga kasagutang walang nakaaalam kung
kailan ko masusumpungan. Sinabi mo noon, masaya ka na kasama ako pero bakit
ngayon mas masaya kang wala na ako sa buhay mo?
Marami pa akong nais sambitin, hanggang dito na lamang sa
ngayon. May punto mang nais ko nang sumuko, ngunit kung isang araw paggising
ko, sakaling bumalik ka sa buhay ko, kaya kong muling magpakatanga, kung sa
pagkakataong iyon ay mararamdaman mo nang mahal kita. Magtapos man ang liham na
ito, maubos man lahat ng pagkakataon na maibibigay ko, bukas magbabakasakali pa
rin ako na baka pwedeng bumalik ako sa buhay na masaya pa tayo.