Sabado, Pebrero 22, 2020

Kabanata XXII-XL

Kabanata 22: Liwanag at Dilim
Ngayon na ang araw ng pagdating nina Maria Clara at Tiya Isabel sa San Diego upang mamalagi doon para sa pista ng bayan.
Ang balitang pagdating ni Maria Clara ay agad na kumalat dahil kinagigiliwan siya ng lahat ng mga tao doon. Kumalat din umano ang madalas na pagkikita nila ni Ibarra na ikinagalit naman ni Padre Salvi. Napapansin pala ng dalaga ang pagbabago ng kilos at mga titig nito tuwing siya ay kaharap.
Samantala, plano nina Maria Clara at Ibarra na mag-piknik kasama ang kanilang mga kaibigan sa ilog. Iminungkahi ng dalaga na huwag isama si Padre Salvi dahil nababahala siya kapag ito ay nasa paligid.
Hindi naman ito sinang-ayunan ni Ibarra dahil hindi raw ito magandang tingnan. Bigla namang dumating ang pari habang nag-uusap ang dalawa kaya nagpaalam na ang dalaga upang mamahinga.
Pagdaka’y inimbitahan ni Ibarra si Padre Salvi sa piknik na kanilang pinagpa-planuhan at kaagad naman itong sinang-ayunan ng pari. Umuwi na rin si Ibarra makalipas ang ilang oras.
Sa daan habang naglalakad pauwi ay may nakasalubong si Ibarra na isang lalaki na humihingi ng tulong. Agad naman itong tinulungan ng binata.
Kabanata 23: Ang Piknik
Masiglang gumayak ang mga kababaihan at kabinataan madaling araw pa lamang ng araw na iyon. Naglalakad ng magkakasama ang mga kababaihan samantalang hiwalay naman sa kanila ang mga kalalakihan.
Ang mga kawaksi at matatandang babae ay kasama rin sa kanilang piknik.
Dalawang bangka ang sasakyan nila kung saan ang matatalik na magkakaibigan na sina Maria Clara, Iday, Victorina, Neneng at Sinang ay magkakasama sa isang Bangka.
Di mapigil ang tawanan at kwentuhan ng mga dalaga kung kaya si Tiya Isabel ay sinaway sila.
Nagkaroon naman ng butas ang bangkang sinasakyan ng mga kalalakihan kaya sila ay napalipat sa bangka ng mga dalaga. Tumahimik tuloy ang mga dalaga sapagkat sila ay inatake ng hiya.
Patuloy lamang sa pagsagwan si Elias at upang hindi mainip ang mga kasama ay umawit ng kundiman si Maria Clara.
Nang malapit ng maluto ang agahan ay gumayak na ang mga kalalakihan upang mangisda. Ngunit walang nahuli ang mga ito kahit isa dahil sa biglang pagsulpot ng buwaya sa ilog.
Ang mga kababaihan ay nabahala sa paglitaw ng buwaya lalo na ng ito’y nilundag ni Elias. Higit na malakas ang buwaya kaysa kay Elias kaya tinulungan siya ni Ibarra na taluhin ito.
Natalo ng dalawa ang buwaya kaya nagpatuloy na sila sa pangigisda hanggang sa sila ay makahuli ng sariwang isda.
Sa isang puno malapit sa batisan ay masayang nananghalian ang magkakaibigan.
Kabanata 24: Sa Kagubatan
Nakapagmisa ng maaga si Padre Salvi at agad ay nag-almusal. Hindi na nito tinapos ang pagkain, sa halip ay nagpunta na ito sa lugar ng piknik sakay ng karwahe.
Malayo pa lamang ay pinahinto na ng pari ang karwahe upang malayang mapagmasdan ang mga kadalagahan. ‘Di naman siya nabigo sapagkat nakita niya ang masasayang mga dalaga maging ang mga binti at sakong ng mga ito habang nagkakatuwaan. Pinigil ni Padre Salvi ang kanyang sarili at hinanap ang mga kalalakihan.
Makatapos ang pananghalian ay nabanggit ni Padre Salvi na may tumampalasan kay Padre Damaso kaya ito ay nagkasakit.
Nagkataon namang dumating si Sisa na nais sanang pakainin ni Ibarra ngunit dala ng pagiging wala sa katinuan ay agad itong umalis.
Nabanggit din sa usapan ang pagkawala ng mga anak ni Sisa kung saan nagkaroon ng matinding pagtatalo sina Don Filipo at Padre Salvi.
Ikinatwiran ni Don Filipo na higit pang pinahalagahan ang dalawang onsa kaysa sa pagkawala ng mga bata. Si Ibarra nama’y pumagitna na sa dalawa upang hindi na umabot sa sakitan ang mga ito.
Maya-maya’y nakiumpok si Ibarra sa mga binata at dalagang naglalaro ng Gulong ng Kapalaran. Itinanong ng binata sa Gulong kung may mga katuparan ang kanyang binabalak. Ngunit natapat naman ang dais sa sagot na pangarap lamang, bagay na hindi sinang-ayunan ni Ibarra.
Aniya, mayroon na siyang katibayan at pahintulot sa pagpapatayo ng bahay-paaralan. Ang kasulatan ay hinati ni Ibarra at ibinigay kina Maria Clara at Sinang.
Walang anu-ano’y dumating si Padre Salvi at pinunit nito ang aklat ng walang hudyat. Ayon sa pari, malaking kasalanan ang maniwala sa nilalaman nito.
Si Albino nama’y nainis at sinagot ang kura na mas malaking kasalanan ang kanyang pakikialam sa pag-aari ng iba.
Kaagad na lumayas ang kura at padabog na bumalik sa kumbento.
Ilang sandali pa’y dumating naman ang mga gwardya sibil at sarhento. Si Elias ang pakay nila sapagkat ito diumano ang nanakit kay Padre Damaso.
Kinuwstyon din ng mga dumating ang pagkupkop ni Ibarra kay Elias. Ito nama’y agad na sinalungat ng binata at sinabing walang karapatan ang mga ito na kwestyunin ang kanyang desisyon kung sino ang nais niyang imbitahin sa kanyang tahanan.
Ang buong kagubatan ay hinalughog ng gwardya sibil ngunit hindi nila nakita si Elias.
Kabanata 25: Sa Tahanan ng Pilosopo
Pumunta si Ibarra sa bahay ni Pilosopo Tasyo upang humingi ng payo tungkol sa paaralan na nais niya pasimulan. Sa kabila ng pagiging abala ng Pilosopo sa kanyang ginagawa ay napansin pa rin naman niya ang binatang si Ibarra kaya inanyayahan niya nito.
Nabanggit ng Pilosopo na walang makauunanawa sa ngayon ng kanyang isinusulat dahil ang susunod na henerasyon ang makakaunawa ng kanyang saloobin. Dagdag pa niya, wala na raw piring sa mata at mulat na sa nangyayari sa lipunan ang mga susunod na salinlahi.
Nabanggit naman ni Ibarra na kahit siya ay dito ipinanganak at lumaki, ramdam niya ang palagay ng mga tao na siya ay dayuhan lamang. Kaya naman kinakailangan niyang humingi ng payo sa Pilosopo dahil sa ito’y higit na kilala ng mga tao.
Sinalungat naman ito ng Pilosopo at iminungkahing sa mga kinikilalang tao sa lipunan tulad ng kura dapat isangguni ni Ibarra ang kanyang mga binabalak.
Naniniwala si Ibarra na ang matuwid na layunin ay hindi na kailangang balutan ng baluktot na gawain. Buo ang paniniwala ng binata na sasang-ayunan siya ng pamahalaan at ng mga tao sa bayan sapagkat ang kanyang ninanais ay para sa kapakanan ng nakararami.
Hindi makumbinsi ni Pilosopo Tasyo si Ibarra na ang kapangyarihan ng simbahan ay higit pa sa kakayahan ng pamahalaan. Lalo pa ng sabihin niya sa binata na kung nais niyang matupad ang kanyang mga balakin ay marapat na yumuko muna siya sa mga may kapangyarihan kung ayaw niyang walang mangyari sa kanyang mga balakin.
Hindi naman ito matanggap ni Ibarra dahil ang kanyang mga pananaw ay ideolohiyang liberal na kanyang nakamulatan sa pag-aaral sa Europa.
Ayon sa Pilosopo, ang mga ganitong prinsipyo ay hindi pa katanggap-tanggap sa simbahan na siyang nagmamay-ari ng lahat pati ang buhay ng mga tao sa kanilang nasasakupan.
Ang kalagayan ni Ibarra ay inihalintulad niya sa mga halaman kagaya sa rosas na yumuyuko rin sa hangin kapag hitik na ito sa mga bulaklak at kung hindi ito ay mababali lamang, at sa puno ng makopa na kailangan pa niyang tukuran upang kumapit ang mga ugat nito sa lupa dahil kung hindi niya ito gagawin ay ibubuwal lamang ito ng hangin.
Ganito diumano si Ibarra sa kanyang mga pananaw. Isa siyang punong itatanim sa mabatong lupain na nagmula pa sa bayan ng Europa – kailangan niya ng makakapitan at masasandalan.
Ang sabi pa ni Pilosopo Tasyo, hindi kaduwagan ang pagyuko sa kapangyarihan. Ang pagyuko at pag-iwas sa dumarating na punlo ay mas mainam kaysa salubungin ang mga bala ng baril at tuluyan ng hindi makabangon.
Maraming tumatakbo sa isipan ni Ibarra. Paano na lamang raw kung hindi lubos ang pagtulong ng simbahan sa kanyang mga balakin dahil sa ang karunungan ay kaagaw ng simbahan sa pagpapayaman, at kung may maiiwan ba siyang legasiya sa kanyang mga binabalak para sa bayan.
Bago pa man magpaalam si Ibarra ay binigyan siya ng inspirasyon ng Pilosopo na kung sakaling hindi man siya magtagumpay ay may uusbong na pananim na siyang magpapatuloy ng kanyang mga nasimulan.
Pagkatapos nito’y nagpaalam na ang binata kay Pilosopo Tasyo.
Kabanata 26: Ang Bisperas ng Pista
Tuwing ika-sampu ng Nobyembre ay bisperas ng pista sa San Diego. Handa na ang lahat sa bisperas pa lamang kaya nakagayak na ang kani-kanilang mga bahay ng pinakagarbong palamuti, kurtina at iba’t-ibang dekorasyon pati na mga minana at antigong kagamitan.
Punong-puno ng iba’t ibang masasarap na putahe ang hapag kainan ng mga mayayaman. Nariyan ang mga kakanin, panghimagas at mga inangkat na mamahaling mga alak mula pa sa Europa. Para sa lahat ang mga pagkain dito upang kahit na mga taga ibang bayan ay maging masaya din sa kapistahan.
Panay rin ang pagpapaputok ng mga kwitis, batingaw ng kampana at tugtugan ng mga banda ng musiko. Ang mga matataong lugar kabilang na ang plasa ng San Diego ay pinalamutian ng arkong kawayan. Nilagyan din ng tolda ang harapan ng simbahan para sa prusisyon.
May nakalaan ding tanghalan para sa komedya at iba pang palatuntunan.
Sina Kapitan Tiyago, Kapitan Joaquin, ang intsik na si Carlos, at iba pang mayayaman sa bayan ng San Diego ay may partisipasyon din sa kasayahan. Nakalaan namang magmisa si Padre Damaso sa umaga.
Iginayak na rin ng mga magsasaka at mahihirap ang kanilang mga pinaka-mainam na ani upang ihandog sa mga may-ari ng kanilang bukirin.
Samantala, tinatapos na ang bahay-paaralan na pinapagawa ni Ibarra malapit sa kanyang tahanan sa pamamatnubay ni Nol Juan.
Ang lahat ng gastos ay sagot ni Ibarra. Magalang namang tinanggihan ng binata ang alok na tulong ng mga mayayaman at ng pari sa kanya.
Katumbas ng mga paaralan sa Europa ang bahay-paaralan na ipinapatayo ni Ibarra kung saan hiwalay ang mga babae sa lalaki. Mayroong lugar para sa pagtatanim ng puno at gulay pati na rin bodega. May silid pang-disiplina din para sa mga batang mag-aaral.
Sa ginawang ito ni Ibarra ay maraming humanga sa kanya ngunit sa kabilang banda nama’y marami din ang kanyang naging palihim na mga kaaway.
Kabanata 27: Sa Pagtatakipsilim
Sinasadya talagang higitan ni Kapitan Tiyago ang paghahanda sa kapistahan dahil ikinatutuwa niya mabangong pagtanggap ng mga tao kay Ibarra na kanyang mamanugangin. Hindi lingid sa kaalaman ng Kapitan na tanyag na tanyag ang binata sa Maynila kaya sinasamantala niya ang mga ganitong pagkakataon upang kasama siyang mapuri sa mga pahayagan.
Sari-saring pagkain at inumin mula pa sa ibang bansa ang handa ni Kapitan Tiyago. Si Maria Clara nama’y pinasalubungan niya ng mga kagamitang may mamahaling bato. Bandang hapon na ng magkita sina Ibarra at Kapitan Tiyago.
Si Maria nama’y nagpaalam na mamasyal kasama ang mga kaibigan nitong dalaga. Niyaya ng mga ito si Ibarra at pinaunlakan naman ng binata ang paanyaya.
Ang Kapitan nama’y inanyayahan din si Ibarra na doon na sa kanila maghapunan dahil darating daw si Padre Damaso ngunit magalang naman itong tinanggihan ng binata.
Lumakad na kasama ng mga kadalagahan ang magkatipan at nang mapadaan sila kina Simang ay kanila rin itong niyaya na kaagad namang sumama sa kanila.
Sa liwasang bayan ay sinalubong sila ng isang ketongin na pinandidirihan ng lahat. Si Maria’y naawa dito kaya ibinigay niya ang iniregalo ng ama sa kabila ng pagtataka ng mga kaibigan.
Lumapit naman si Sisa at kinausap ang ketongin. Kanyang itinuro ang kampanaryo at sinabing nandoon daw ang mga anak nito. Umalis ng pakanta-kanta si Sisa samantalang ang ketongin nama’y umalis na din dala ang bigay sa kanya ni Maria Clara.
Napag-isip-isip ni Maria na marami palang mga mahihirap at kapus-palad at iyon ay naging lingid sa kanyang kaalaman.
Kabanata 28: Sulatan
Ang mga naganap sa kapistahan ng San Diego ay nalathala sa pahayagan sa Maynila. Kasama sa naiulat ang marangyang kapistahan ng bayan, mga kilalang tao sa San Diego, ang naganap na palatuntunan pati na rin ang musiko.
Nabalita rin ang mga pari at ang komedyang naganap sa bayan pati na ang mga mahuhusay nitong mga artista. Ang mga Kastila lamang ang nasiyan sa komedya dahil ito ay idinaos sa wikang Kastila. Nasiyahan naman ang mga Pilipino sa komedyang tagalog. Samatala, si Ibarra’y walang dinaluhan sa mga palabas na iyon.
Nagkaroon ng prusisyon para sa mga santo at santa kinabukasan kung saan ang misa ay pinamunuan ni Padre Manuel Martin.
Nagkaroon din ng sayawan na pinangunahan ng mag-ama na sina Kapitan Tiyago at Maria na ikinayamot naman ng dalaga.
Pagdaka’y sinulatan ni Maria Clara si Ibarra dahil ilang araw na niya itong hindi nakikita. Hiniling niyang siya ay dalawin ng binata at imbitahan siya nito sa pagpapasinaya ng bahay-paaralan na kanyang ipinatayo.
Kabanata 29: Ang Kapistahan
Handa na ang mga banda ng musiko umaga pa lang upang magbigay saya at salubungin ang kapistahan. Sinabay pa ang tunog ng kampana at mga siklab at pasabog ng paputok.
Samantalang ang mga tao sa bayan ay nagising na at nagsigayak para makiisa. Suot nila ang kanilang pinakamainan na kasuotan at mga alahas. Hinatak nila ang mga tao upang tikman ang masasarap na pagkaing kanilang hinanda.
Hindi naman sang-ayon dito si Pilosopo Tasyo. Aniya, paglulustay lamang ng salapi at pagpapakitang tao lamang ang pagsasaya sa araw na ito. Mas marami umano ang may kabuluhan na dapat pagkagastusan at isama pa diyan ang maraming hinaing ng bayan na hindi natutugunan.
Sang ayon naman naman si Don Filipo sa pananaw ng Pilosopo ngunit wala siyang lakas ng loob para salungatin ang mga pari.
Naghihintay na ang mga tao sa simbahan pati na rin ang at mga tanyag na tao sa San Diego.
Sinadya naman ni Padre Damaso na magkasakit upang higit na makakuha ng importansya mula sa lahat. Ang taga-pangasiwa ng simbahan ang nag-aalaga sa pari habang siya ay may sakit.
Bandang alas-otso ng umaga, sinimulan ang mahabang prusisyon ng iba’t-ibang santo. Sa prusisyon ay makikita ang pagkakaiba ng antas o diskriminasyon sa lipunan. Kahit na ang mga nagpuprusisyon ay mga ginggon.
Sa tapat ng bahay ni Kapitan Tiyago natapos ang prusisyon na inaabangan naman ng ibang mga Kastila pati na rin nina Maria Clara at Ibarra.
Kabanata 30: Sa Simbahan
Ang simbahan ay dinumog ng mga taong nagsisiksikan sa kabila ng init at iyakan ng mga bata. Ang misa ay bayad para sa kabanalan ng lahat sa halagang dalawang daan at limampung piso. Pinaniniwalaan noon na mas mabuti ng magbayad ng mahal sa misa kaysa sa komedya sapagkat ang misa ay makapagdadala ng kaluluwa sa langit samantalang impyerno naman sa komedya.
Samantala, hindi sinimulan ang misa hangga’t hindi dumarating ang alkalde mayor na sinadya namang magpahuli upang higit na mapansin ng lahat. Nakasuot siya ng limang medalya na sagisag ng kanyang tungkulin.
Nang dumating ang alkade mayor ay nagsimula ang pagmimisa ni Padre Damaso. Sinamantala ng walang pakundangang pari ang paglibak sa nagmisa kahapon na si Padre Manuel Martin.
Siya daw ay higit na mahusay magmisa kaysa Padre Manuel Martin. Hangga’t di siya natatapos magyabang ay hindi ito nagsimulang mag-sermon.
Kabanata 31: Ang Sermon
Si Padre Damaso ay nagsimulang magsermon sa wikang Tagalog at Kastila mula sa isang sipi sa Bibliya.
Ang kabuuan ng kanyang sermon ay tumatalakay sa kanyang pagpupuri sa mga banal na santo ng simbahan, ang pagtulad kay Haring David, ang mapagwaging si Gideon, at si Roldan na isang tapat na mananampalataya.
Ngunit higit sa lahat, kasama sa kanyang sermon ang panlilibak ng pari sa mga Pilipino na binigkas niya sa wikang Kastila kaya walang kamalay-malay ang nakararami sa kahulugan ng kanyang mga sinasabi. Nagpatusada din si Padre Damso sa mga taong hindi niya gusto para ipahiya ang mga ito sa karamihan.
Dahil marami sa mga naroon ay walang naiintindihan sa pinagsasasabi ng pari, hindi na nila napigilang antukin at maghikab, kabilang sa mga ito si Kapitan Tiyago.
Palihim namang nagsusulyapan sina Maria at Ibarra na kapwa ang mga mata’y nangungusap. Sa wakas ay sinimulan na rin ni Padre Damaso ang kanyang sermon sa wikang Tagalog.
Dito’y walang pakundangan nyang tinuligsa si Ibarra. Bagaman hindi niya pinangalanan kung sino ang kanyang tinutukoy ay halata namang si Ibarra ang kanyang pinatatamaan.
Hindi natuwa si Padre Salvi sa mga nagaganap kaya nagpakuliling na ito, hudyat para tapusin na ng pari ang kanyang sermon.
Tila walang narinig si Padre Damaso kaya nagpatuloy lamang ito sa kanyang walang kwentang sermon na umabot pa ng kalahating oras.
Samantala, sa loob ng simbahan ay palihim na nakalapit si Elias kay Ibarra at binalaan ito na mag-ingat at huwag lalapit sa bato na ibabaon sa hukay sapagkat maaari niya itong ikamatay.
Walang nakapansin ni isa sa pagdating at pag-alis ni Elias.
Kabanata 32: Ang Panghugos
Ang taong dilaw ay nagkaroon ng demonstrasyon kay Nol Juan tungkol sa paggamit ng panghugos bago ganapin ang pagpapasinaya sa paaralan.
Ang nasabing istruktura ay may walong metro ang taas at ang apat na haligi ay nakabaon sa ilalim ng lupa. May apat na haligi ito na nasasabitan ng malalaking lubid na kapag tiningnan ay para bang napakatibay ng pagkakayari.
Ang taong dilaw naman ay ipinagmamalaki na kanyang natutuhan ang ganitong paraan sa ninuno pa ni Ibarra na si Don Saturnino. Iminustra niya kung papaano itinataas at ibinababa ang batong malaki na siyang ibabaon sa hukay na napapagitnaan ng apat na haligi. Pinuri ito ng mga tao sa paligid at maging si Nol Juan ay hinangaan siya.
Dumating ang araw ng pagpapasinaya sa bahay-paaralan.
Naghanda ang mga guro at mag-aaral ng mga pagkain para sa mga panauhin. May banda din ng musiko.
Nagsimula nang basbasan ni Padre Salvi ang bahay-paaralan.
Ang mga mahahalagang kasulatan maging ang relikya at iba pang mahahalagang bagay ay inilulan sa isang kahang bakal na ipinasok naman sa bumbong na yari sa tingga.
Ang nagko-kontrol sa bato ay ang lubid na may hukay sa gitna kung saan ilalagay ang tingga. Ang taong dilaw naman ang may hawak ng nasabing lubid.
Nagsibabaan ang lahat ng importanteng tao upang sumaksi nang magsimula na ang pari sa seremonya. Isa sa mga taong naroroon upang sumaksi sa okasyon ay si Elias at ‘di winaglit ang tingin sa taong dilaw.
Pagbaba ni Ibarra upang makiisa sa pagsaksi ay humulagpos ang lubid mula sa kalo at kasabay nito ay ang pagkagiba ng balangkas.
Ilang saglit lang ay nasaksihan ng lahat na si Ibarra ay nakatayo sa pagitan ng nasirang kalo at ng malaking bato ngunit ang taong dilaw ay namatay.
Ipahuhuli sana ng alkalde si Nol Juan ngunit pinigilan siya ni Ibarra at sinabing siya na ang bahala sa lahat.
Kabanata 33: Malayang Kaisipan
Si Elias ay palihim na dumating sa bahay ni Ibarra at sila’y nag-usap tungkol sa mga kaaway ng katipan ni Maria.
Kahit na ang hangad ay kabutihan, pinayuhan ni Elias si Ibarra dahil nagkalat ang kanyang kaaway. Nasabi rin nito ang kanyang pagkakatuklas sa balak na pagpatay ng taong dilaw kay Ibarra sa araw ng pagpapasinaya ng paaralan.
Lihim pa lang sinubaybayan ni Elias ang taong dilaw at nalaman niyang prinisinta nito ang sarili kay Nol Juan kahit maliit ang sahod kapalit ng kanyang mga kaalaman.
Si Ibarra nama’y nanghinayang sa maagang pagkawala ng taong dilaw dahil marami pa raw sana siyang matutuklasan kung ito ay nabubuhay lamang.
Salungat naman dito si Elias dahil tiyak niyang makaliligtas sa hukuman ang taong dilaw dahil sa kabulagan ng hustisya sa bayan.
Tila nagkaroon naman ng interes si Ibarra kay Elias dahil sa kanyang mga kaisipan na kakaiba kaysa ordinaryong mamamayan.
Napadpad naman ang kanilang usapan sa paniniwala sa Diyos na ‘di tinanggi ni Elias na siya’y nawawalan na ng tiwala dito.
Maya-maya pa’y nagpaalam na rin si si Elias baon ang kanyang pangako ng katapatan kay Ibarra.
Kabanata 34: Ang Pananghalian
Noong araw na iyon ay darating ang Heneral at tutuloy sa bahay ni Kapitan Tiyago. Magkakaharap na nananghalian ang mga taga San Diego.
Si Ibarra at ang alkalde mayor ay nasa magkabilang dulo ng hapag. Si Maria ay nasa gawing kanan ni Ibarra samantalang sa kaliwa naman niya ang eskribano. Nasa hapag din sina Kapitan Tiyago, iba pang mga kapitan sa bayan ng San Diego, mga pari, mga kawani ng pamahalaan at mga kaibigan nina Maria Clara at Ibarra.
Ang karamihan naman ay nagtaka dahil wala pa si Padre Damaso. Nag-uusap ang mga nasa hapag habang kumakain. Napag-usapan anila ang hindi pagdating ni Padre Damaso, ang kamangmangan ng mga magsasaka sa mga kubyertos, ang mga kursong nais nilang ipakuha sa kanilang mga anak, at marami pang iba.
Maya-maya’y dumating na si Padre Damaso at ang lahat doon ay bumati sa kanya liban kay Ibarra. Habang inihahanda ang serbesa ay nagsimula na ring patutsadahan ng pari si Ibarra.
Sisingit sana ang alkalde sa usapan upang maiba ang paksa ngunit ayaw papigil ng mayabang na pari. Tahimik lamang na nakikinig habang nagtitimpi ang binatang si Ibarra.
Tila nananadya si Padre Damaso dahil inungkat nito ang pagkamatay ng ama ni Ibarra. Sa pagkakataong ito’y hindi na pinalampas ng binata ang mga sinabi ng pari kaya naman muntik na niya itong saksakin.
Mabuti na lamang at pinigilan siya ni Maria kung kaya’t bumalik ang kahinahunan ni Ibarra at umalis na lamang.
Kabanata 35- Mga Usap-usapan
Naging mainit na usapan sa buong bayan ng San Diego ang mga kaganapan sa nangyaring pananghalian. Karamihan ay pinanigan si Padre Damaso dahil kung nagtimpi lamang daw si Ibarra ay hindi sana iyon nangyari.
Tanging si Kapitan Martin lamang ang nakaunawa sa ikinilos ni Ibarra dahil walang sinuman ang hindi makapapagpipigil kung ang ama ang lalapastanganin.
Ipinapalagay naman ni Don Filipo na hinihintay daw ni Ibarra na tulungan siya sa taumbayan bilang pagtanaw ng utang na loob sa kabutihang nagawa niya at ng kanyang ama. Samantala, nanindigan ang kapitan ng bayan na wala silang magagawa sapagkat laging nasa katwiran ang mga prayle.
Ani Don Filipo, nangyayari ito dahil hindi nagkakaisa at watak-watak ang mga taumbayan samantalang ang mga prayle at mayayaman ay nagkakabuklod-buklod.
Natakot naman ang mga matatandang babae sa bayan dahil kung ‘di nila panigan si Padre Damaso ay baka mapunta sila sa impyerno.
Nalugod naman si Kapitana Maria sa pagtatanggol ng binata sa kanyang ama. Ang mga magsasaka’y biglang nawalan ng pag-asa dahil baka hindi matuloy ang paaralan. Kapag nangyari iyon ay baka hindi makatapos sa pag-aaral ang kanilang mga anak.
May kumakalat na baka hindi na matutuloy ang pagpapatayo ng simbahan sapagkat tinawag na pilibustero ng prayle si Ibarra. Hindi naman maintindihan ng mga magsasaka ang kahulugan ng Pilibustero.
Kabanata 36: Ang Unang Suliranin
Dumating ng walang abiso ang Kapitan Heneral sa bayan nila Kapitan Tiyago kung kaya naging abala ang lahat sa paghahanda upang maibigay ang nararapat na pag-istima sa panauhin.
Sinamantala ng lahat ang nalalabing oras upang makapag-gayak maliban kay Maria Clara na patuloy ang pagtangis dahil sa pagbabawal ng kanyang ama na makipagkita kay Ibarra hanggat hindi ito ekskomunikado. Balewala ang pag-aalo sa kanya nina Tiya Isabel at Andeng.
Iminungkahi ng kanyang Tiya na maari silang sumulat sa Papa at magbigay ng malaking halaga upang mapawalang bisa ang ipinataw sa binata. Nagprisinta naman si Andeng na gagawa umano ng paraan upang magkausap ang magkasintahan.
Nagpunta si Kapitan Tiyago sa kumbento at inihayag nito kay Maria Clara ang desisyon ni Padre Damaso na sirain ang nakatakdang pakikipag-isang dibdib nito kay Ibarra.
Ipinag-utos naman ni Padre Sibyla na huwag nang tanggapin sa kanilang tahanan ang binata. Kahit daw ang utang ng kapitan na limampung libong piso ay hindi rin dapat bayaran dahil ang kapalit nito ay kamatayan ng kaluluwa sa impyerno.
Lalong nagdalamhati si Maria sa mga narinig. Inalo ni Kapitan Tiyago ang anak at sinabing si Padre Damaso ay may inilaan sa kanyang isang binata na kamag-anak nito na manggagaling pa mula sa Europa.
Nasindak nang lalo ang dalaga at maging ang kanyang Tiya Isabel ay nagalit sa Kapitan kaya pinagsabihan niya ito na hindi parang damit na isinusuot ang magpalit ng katipan.
Hindi rin pumayag si Kapitan Tiyago ng imungkahi ni Tiya Isabel na sulatan nito ang Arsobispo. Ayon kay Kapitan Tiyago ay hindi naman sila nito pakikinggan kundi ang desisyon lamang ng mga pari. Pagkatapos nito’y bumalik na sa paghahanda sa bahay ang Kapitan samantalang si Maria ay pumasok na sa kanyang silid.
Ilang sandali pa’y dumating na rin ang Kapitan Heneral at napuno na rin ang bahay ni Kapitan Tyago ng mga panauhin. Taimtim na nananalangin si Maria ng siya ay pasukin ni Tiya Isabel dahil ipinatatawag daw ito ng Kapitan Heneral. Pagdaka’y sumunod naman ang dalaga.
Kabanata 37: Ang Kapitan Heneral
Ipinahanap agad ng Kapitan Heneral si Ibarra pagkarating niya. Kinausap niya ang binata na nakagalitan ni Padre Damaso ng ito ay lumabas sa kalagitnaan ng sermon.
Akala ng binata ay sasamain siya sa Kapitan Heneral ngunit matapos niya itong kausapin ay nakangiti itong lumabas ng silid. Tanda ito ng mabuting ugali ng Kapitan-Heneral na mayroong panahon basta sa katarungan.
Sumunod na kinausap ng Kapitan Heneral ang mga prayle na sina Padre Sibyla, Padre Martin, Padre Salvi at iba pa. Nagpakita ng paggalang ang mga ito sa pamamagitan ng pagyuko maliban kay Padre Sibyla samantalang si Padre Salvi naman ay halos mabali na ung baywang sa pagkakayuko. Kanilang binanggit ang pagkakasakit ni Padre Damaso kaya wala siya doon.
Sumunod na nagbigay galang sina Kapitan Tiyago at Maria Clara na pinapurihan ng Heneral dahil sa katapangan nito sa paggitna sa away ni Ibarra at Padre Damaso, maging ang pagbabalik ng hinahon ng binata dahil na rin sa kanya. Nabanggit ng Heneral na dapat siyang gantimpalaan dahil sa kanyang ginawa na agad namang tinanggihan ng dalaga.
Ilang sandali pa’y dumating na si Ibarra upang makausap ng Heneral. Nagpaalala naman si Padre Salvi na ang binata ay ekskomulgado ngunit ‘di naman ito pinansin ng Heneral. Sa halip ay ipinaabot niya sa pari ang pangangamusta nito kay Padre Damaso. Umalis ang mga pari na hindi nagustuhan ang ipinakita ng Heneral.
Binati ng Heneral si Ibarra at pinuri ang ginawang pagtatanggol nito sa ala-ala ng kanyang ama. Ayon sa Heneral ay kakausapin niya ang Arsobispo tungkol sa pagiging ekskomulgado ng binata.
Napansin naman ng Heneral ang pagiging balisa ni Maria kaya sinabi nitong nais niyang makaharap ito bago umaalis patungong Espanya. Ipinaabot naman nito sa alkalde na samahan siya sa paglilibot.
Base sa pag-uusap ng binata at ng Heneral ay mapapansin na kilala ni Ibarra pati ang pamilya ng Kapitan Heneral sa Espanya. Namanghanga rin ang Heneral sa katalinuhan ng binata na di umano bagay ang kaisipan sa Pilipinas. Anang Heneral, ipagbili na lamang daw ni Ibarra ang lahat ng kanyang ari-arian at sa Espanya na lamang manirahan dahil ang katalinuhan umano nito ay nararapat lamang sa kaunlaran ng ibang bansa.
Bagay na di sinang-ayunan ni Ibarra dahil ayon sa kanya ay higit na matamis ang mamuhay sa sariling bayan. Maya-maya’y binanggit ng Heneral kay Ibarra na kausapin si Maria at inihabilin na papuntahin sa kanya si Kapitan Tiyago.
Umalis na si Ibarra upang puntahan si Maria. Samantala, sinabi ng Heneral sa Alkalde Mayor na protektahan ang binata upang maisakatuparan nito ang kanyang mga layunin at tumango naman ang Alkalde bilang pagsunod.
Ilang sandali pa’y dumating na si Kapitan Tiyago. Pinuri ng Heneral ang pagkakaroon nito ng mabuting anak at mamanugangin. Nagprisinta rin ang Heneral na maging ninong sa kasal ng dalawa.
Kaagad namang hinanap ni Ibarra si Maria at nagtungo sa silid ng dalaga. Kumatok siya sa pintuan ng silid ngunit ang sumagot sa kanya ay si Sinang at sinabing isulat na lamang niya ang gusto niyang sabihin Kay Maria Clara sapagkat papunta na sila sa dulaan.
Kabanata 38: Ang Prusisyon
Ang sunod-sunod na pagtunog ng kampana at mga paputok ay hudyat ng pagsisimula ng prusisyon. May dala-dalang kandila at parol ang lahat ng nakiisa dito.
Para sa mga santong sina San Juan Bautista, San Francisco, Santa Maria Magdalena, San Diego De Alcala at Mahal na Birhen ang prusisyon. Hinihila ng anim na Hermano Tercero ang karo ni San Diego.
Magkakasamang naglalakad ang Kapitan Heneral, mga Kagawad, Kapitan Tiyago, Alkalde, Alperes at Ibarra na napilitan lamang sumama dahil sa pag-imbita sa kanya ng Heneral.
Inihinto ang mga karo at andas ng mga santo sa tapat ng bahay ni Kapitan Tiyago kung saan may isang kubol sa pagdadarausan ng pagbigkas ng tulang papuri o loa sa pintakasi ng bayan.
Ang pila ng prusisyon ay pinangungunahan ng tatlong sakristan na sinundan ng guro, mag-aaral at mga batang may dala-dalang parol na papel.
Isang batang lalaki na may pakpak, nakabotang pangabayo, nakabanda at may bigkis ang lumabas upang simulan ang pagpupuri sa wikang Latin, Kastila at Tagalog.
Kasunod nito’y ang pag-awit ni Maria Clara ng Ave Maria kung saan ang lahat ay nabighani sa ganda ng kanyang tinig. Dama naman ni Ibarra ang pighating nararamdaman ng kanyang kasintahan sa boses nito.
Sandaling napukaw ang atensyon ng binata ng ito ay kausapin ng Kapitan-Heneral tungkol sa imbitasyong makasalo siya sa pagkain kung saan kanilang pag-usapan ang pagkawala ng dalawang sakristan na sina Crispin at Basilio.
Kabanata 39: Si Donya Consolacion
Asawa ng Alperes si Donya Consolacion na nagpipilit maging mukhang taga-Europa sa pamamagitan ng paglalagay ng kolorete sa mukha at pagsasalita sa wikang Kastila. Naniniwala siyang higit ang kanyang kagandahan kaninuman kahit pa kay Maria Clara at mataas din ang tingin niya sa kanyang sarili.
Si Donya Consolacion ay dating labandera na nakapag-asawa ng isang kawal na naging Alperes ngayon. Mababakas din sa kanyang ugali ang pagiging salat sa edukasyon.
Noong araw na iyon ay iniutos ng Donya na isara ang kanilang bahay sa kabila ng alam nitong tatapat ang prusisyon sa kanila. Buong araw siyang nagngitngit sa asawa dahil sa hindi nito pagpayag na sila ay magsimba. ‘Di rin lingid sa kanyang kaalaman na ikinahihiya siya ng asawa bukod pa ang lantarang pag-alipusta at pagmura nito sa kanya.
Nagdidili-dili ang Donya ng marinig nito ang pag-awit ni Sisa mula sa kulungan. Siya ay dalawang araw nang nakakulong doon. Sa wikang Kastila ay inutusan niya si Sisa na umakyat ngunit dahil sa hindi niya ito naintindihan ay ‘di niya sinunod ang utos ng Donya.
Nagalit si Donya Consolacion at ibinuhos kay Sisa ang lahat ng galit nito sa asawa. Nilatigo niya ito at inutusang kumanta ang kawawang baliw. Napasigaw man sa sakit ay ‘di pa rin sinunod ni Sisa ang utos ng Donya.
Sa yamot ng Donya ay inutusan niya ang gwardiya sibil na pakantahin si Sisa. Sinunod naman ito ng babae at umawit ng Kundiman ng Gabi. Sa pagkaantig ng damdamin ng Donya ay nawala sa isip nito na magsalita sa Tagalog na ikinagulat ng gwardya sibil. Agad naman itong napansin ng Donya kaya pinaalis niya ang gwardya.
Muli niyang hinarap si Sisa upang pasayawin. ‘Di na naman ito sinunod ng babae kaya siya’y nilatigo ng Donya at inutusan namang kumanta.
Dahil sa pangyayaring ito’y nabuwal si Sisa at nahubaran ng damit kasabay ng pagdugo ng kanyang sugat. Ang pangyayaring ito’y nadatnan ng Alperes at nagalit ito sa nasaksihan.
Dahil dito’y inutusan niya ang isang kawal na bihisan at pakainin si Sisa, alagaan, at gamutin din ang mga sugat. Nakatakdang ihatid si Sisa kay Ibarra kinabukasan kaya naman siya’y inalagaan ng Alperes.
Kabanata 40: Ang Karapatan at Lakas
Sinimulan nang sindihan ang mga kuwitis bandang ika-sampu ng gabi at ito’y hudyat na ng pagsisimula ng dula. Si Don Filipo ang nangasiwa sa gabi ng pista.
Noong mga oras na iyon ay magkausap sina Tinyente at Pilosopo Tasyo tungkol sa pag-ayaw ng Don sa kanyang tungkulin. Hindi tinanggap ng Kapitan ang pagbibitiw ng Tinyente kaya masama ang loob niya dito.
Maya-maya pa’y nagsidatingan na ang mga malalaking tao sa bayan kung kaya’t nagsimula na ang palabas na pinangunahan nina Chananay at Marianito ng ‘Crispino dela Comare’.
Habang ang lahat ay nakatuon ang pansin sa dula ay lantaran namang nakatitig kay Maria Clara si Padre Salvi. Sinisimulan na ang ikalawang bahagi ng dula nang dumating si Ibarra.
Ang kanyang pagdating ay nakatawag sa pansin ng mga pari kaya hiniling ng mga ito kay Don Filipo na paalisin ang binata. Tinutulan naman ito ni Don Filipo dahil higit siyang takot na suwayin ang utos ng Kapitan Heneral kaysa sa utos nila. Isa pa’y malaki rin ang abuloy na ibinigay ni Ibarra.
Dahil sa inis ay ang mga pari ang umalis sa kalagitnaan ng dula. Ilang saglit pa at si Ibarra naman ang nagpaalam sa mga kadalagahan lalo na kay Maria Clara upang puntahan ang nalimutang tipanan. Nangako siyang babalik bago matapos ang dula.
May lumapit na dalawang gwardya sibil kay Don Filipo sa kalagitnaan ng dula at iniuutos na itigil ang palabas sapagkat nabubulahaw sa pagtulog sina Donya Consolacion at ang Alperes. ‘Di naman ito mapagbigyan ng Don Filipo kaya pagdaka’y nagkaroon ng gulo.
Dahil sa pagtatangkang pagpapatigil sa mga musikero ay hinuli ng mga kuwadrilyero sa tribunal ang dalawang gwardya sibil. Sakto namang nakabalik na si Ibarra sa mga sandaling iyon at hinanap kaagad ang katipan. Kumapit ang dalaga sa bisig ng binata samantalang si Tiya Isabel na kaniyang kasama ay naglitanya ng panalangin.
Sa galit ng mga kalalakihan ay pinagbabato nila ang dalawang gwardya sibil. Huminahon lamang ang mga ito sa pakiusap ni Elias na inabisuhan ni Ibarra dahil wala silang magagawa ni Don Filipo sa bagay na iyon.
‘Di nakaligtas ang mga pangyayari sa pagmamanman ni Padre Salvi na ibinalita rin ng kanyang tauhan. Nawalan ng malay tao si Maria Clara sa kanyang pangitain at si Ibarra naman ang bumuhat sa dalaga.
Base sa kanyang nakita ay nagmistula itong baliw at nagtatakbo papunta sa bahay ni Kapitan Tiyago upang makasiguro na hindi totoo ang kanyang takot.
Nakahinga lamang siya ng maluwag nang makita niya ang anino nina Maria Clara at Tiya Isabel mula sa labas ng bahay ng Kapitan. Nang masigurong hindi kasama ng dalaga si Ibarra ay umuwi na rin ito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento